Sa bawat pagsikat at paglubog ng araw, umuusbong ang iba’t ibang mga hamon sa akademikong mundo. Hinamon ito na makalikha ng epektibo at mabisang instrumento sa pangangalap ng mga impormasyon para sa pananaliksik at makapagtatag ng makabagong koneksyon ng pakikipagtalastasan para sa mga pangkatang gawain ng mga mag-aaral na nagmumula sa iba’t ibang mga dako. Animo’y mga pader din ng Jericho ang mga limitasyon sa paggawa ng mga “digital” na proyekto. Nang dahil sa mga pangangailangang ito, nayari sa kaisipan ng mga tao ang teknolohiya, partikular na ang “social media” at Internet, na nagsilbing mga tulay sa mabungang akademikong buhay ng mga mag-aaral sa larangan ng pangangalap ng mga datos para sa mga pananaliksik, komunikasyon para sa mga pangkatang gawain, at “digital” na paglikha ng mga proyekto.
Dati, mga silid-aklatan ang unang naiisip na puntahan ng mga estudyante upang mangalap ng samu’t saring mga impormasyon. Patong-patong na mga libro ang kailangang pagbubuklatin upang makuha ang mga siping magiging makabuluhan para sa pananaliksik. Ngayon, isang “click” na lamang ang kailangan upang makakuha ng mga mahahalagang salik sa pag-aaral. Isang halimbawa ng websayt na maaaring gamitin sa akademiko ay ang Google Scholar. Ito ay maaaring mag-ugnay sa isang user sa libo-libong mga periodiko at sanaysay ng mga paham. Bukod sa pagiging isang kagamitang pananaliksik, nagiging daluyan din ang “social media” at Internet ng mga makabuluhang balita ukol sa mga napapanahong isyu na makapagbibigay ng kaalaman sa mga mag-aaral tungkol sa lipunang kanilang ginagalawan. Nang dahil sa mga benepisyong dulot ng Internet sa pagpapayabong ng kaalaman, naniniwala ang walumpu’t walong porsyento ng mga Pilipino na sadyang may maganda itong dulot sa edukasyon ng bagong henerasyon ayon sa mga pananaliksik na isinagawa ng Pew Research Center mula Estados Unidos.
Noon,
nagsasagawa ng mga pagpupulong ang mga mag-aaral para sa mga pangkatang gawain.
Nagsama-sama sila sa paaralan o di kaya naman ay sa isang tahanan ng kanilang
kaklase upang magsagawa ng kanilang mga akademikong proyekto. Subalit ngayon,
maaari nang mapag-ugnay ng “social media” ang mga estudyanteng pinaglayo ng
milya-milyang distansya. Bilang isang birtwal na plataporma ng komunikasyon,
mas pinadadali nito ang proseso ng mga pangkatang gawain dahil maaari nang
magkaroon ng birtwal na pagpupulong at gawaan ang mga miyembro ng isang pangkat
sa mga group chat sa mga networking sayt tulad ng
Facebook at Google Drive. Sa pamamagitan ng mga websayt na ito, nagkakaroon ng
mabungang kolaborasyon sa pagitan ng mga miyembro ng isang partikular na grupo.
Bukod pa rito, nagiging epektibong midyum din ang “social media” ng mga
mahahalagang anunsyo tulad ng pagsususpinde ng klase. Mas mabilis na naipapalagananp
ang mga patalastas ng mga paaralan sapagkat napakalawak na ng Internet at
“social media” at halos lahat ay mayroon nang kapangyarihang gamitin ito sa
modernong panahon. Noong Enero 2015, mayroon nang apatnapu’t apat na milyong
Pilipinong malayang nakagagamit ng Internet kung kaya’t ang Pilipinas ay
naitala bilang ikalawang bansa sa Timog-Silangang Asya at ika-anim naman sa
buong Asya na may pinakamadaming indibidwal na gumagamit ng Internet. Base sa prediksyon ni Julian Persaud, dating
tagapangasiwa ng Google, inaasahan ang pagdoble ng populasyong ito sa taong
2016. Ang lumolobo ring populasyon ng mga Internet users ay isang indikasyon na marami pang magbubukas na mga pinto ng
oportunidad sa paglago ng akademiko.
Ilang
dekada ang nakalilipas, makikita sa mga silid-aralan ang mga titser na masigasig na nagbabahagi ng mga aralin sa
pamamagitan ng mga biswal na presentasyon gamit ang makukulay na papel at
kartolina upang mas ma-engganyong makinig ang mga mag-aaral. Ngayon, tila ba
nagkaroon ng isang malawakang rebolusyon ang estratehiya ng pagtuturo sa
paaralan. Ang mga kartolina ay napalitan ng “digital” na presentasyon sa Microsoft Powerpoint, at mas naging
kombenyente nga ang paggagawa ng mga presentasyon sa mga “software”. Sa
paggamit ng mga “software”, mas nakatitipid sa oras at nagiging produktibo ang mga
guro at maging ang mga mag-aaral sapagkat hindi na nila kailangan ng matrabahong
paghahanda ng mga papel na susulatan ng mga teksto ng ulat. Hindi na rin
mangingirot ang kanilang mga kamay dahil sa matiyagang pagsusulat sa
naglalakihang mga papel upang mas maging malinaw ang kanilang diskusyon. Dahil
sa pagkapalasak ng paggamit ng Internet, napakarami na rin ng mga "software" ang
nag-usbungan upang magbigay-kaginhawaan sa mga guro at estudyante. Dagdag pa
riyan, kung dati-rati ay nagagawa lamang ng mga mag-aaral ang mga proyektong
pang-sining gamit ang lapis, papel, at gunting, ngayon ay mayroon ng Adobe Photoshop na nagsisilbing isang kasangkapan sa
paglilikha at pagrerebisa ng mga matataas na uri ng larawan at iba pang obra.
Samakatuwid, mas pinalawak ang posibilidad ng pagkakaroon ng kaaya-aya at
kahanga-hangang awtput. Mas malaya na ring naibabahagi ng mga guro sa
kani-kanilang mga estudyante ang mga gagamiting handout at mga dokumentong gagamitin sa lektiyur sa pamamagitan ng
pag-a-upload ng mga ito sa Internet.
Maaari na rin itong i-download ng mga
mag-aaral sa kanilang mga selpon sa loob lamang ng ilang segundo. Kung susuriin
ang mga “digital” na benepisyo ng Internet at “social media” sa akademiko,
maaaring mahinuha na nakakatulong ang mga ito sa pagbabawas ng konsumo sa
papel. Ayon nga sa WWF Global, kung masinop na magagamit ang teknolohiya tulad
nga ng Internet at “social media”, maaaring mabawasan ng sampu hanggang
tatlumpung porsyento ang konsumo sa papel, isang suliraning pangkalikasang
dulot ng labis-labis napaggamit ng papel ng akademikong mundo.
Hindi maikakailang napakalaki nang naging gampanin ng Internet at “social media” bilang mga tulay ng mga tao sa sumisikat pa lamang na liwanag ng modernisasyon sa larangan ng akademiko. Hindi natitimo ang pag-usbong ng mga ito lalo na ngayong palobo nang palobo ang bilang ng mga akademikong gumagamit ng mga ito dahilsa pangangailangan sa pananaliksik, komunikasyon, at paggawa ng mga “digital” na proyekto. Hiling ng buong sangkatauhan na nawa’y mas umunlad pa ang mga ito sa bawat pintig ng mga kamay ng orasan upang mas mapalaganap ang karunungan. Sa ating paglalakbay sa bukang-liwayway, ang Internet at “social media” ang ating magiging tulay.
Hindi maikakailang napakalaki nang naging gampanin ng Internet at “social media” bilang mga tulay ng mga tao sa sumisikat pa lamang na liwanag ng modernisasyon sa larangan ng akademiko. Hindi natitimo ang pag-usbong ng mga ito lalo na ngayong palobo nang palobo ang bilang ng mga akademikong gumagamit ng mga ito dahilsa pangangailangan sa pananaliksik, komunikasyon, at paggawa ng mga “digital” na proyekto. Hiling ng buong sangkatauhan na nawa’y mas umunlad pa ang mga ito sa bawat pintig ng mga kamay ng orasan upang mas mapalaganap ang karunungan. Sa ating paglalakbay sa bukang-liwayway, ang Internet at “social media” ang ating magiging tulay.
Mga Sipi
Geronimo, J.Y. (n.d.). Growing Internet use in PH good for
education. Nakalap noong Nobyembre 07, 2016, sa http://www.rappler.com/nation/7542-growing-internet-use-ph-good-education
Revesencio, J. (n.d.). Philippines: A Digital Lifestyle
Capital in the Making? Naklap noong Nobyembre 07, 2016 sa http://huffintonpost.com/jonha-revesencio/philippines-a-digital-lif_l_b_7199924.html
Using technology and better systems. (n.d.). Nakalap noong
Nobyembre 07, 2016, sa http://wwf.panda.org/how_you_can_help/live_green/save_paper_/office_paper/technology
Pambungad na Larawan: Larawan ni Pjheller mula sa ireport.cnn.com