Saturday, November 26, 2016

Tulay sa Bukang-liwayway


                




Sa bawat pagsikat at paglubog ng araw, umuusbong ang iba’t ibang mga hamon sa akademikong mundo. Hinamon ito na makalikha ng epektibo at mabisang instrumento sa pangangalap ng mga impormasyon para sa pananaliksik at makapagtatag ng makabagong koneksyon ng pakikipagtalastasan para sa mga pangkatang gawain ng mga mag-aaral  na nagmumula sa iba’t ibang mga dako. Animo’y mga pader din ng Jericho ang mga limitasyon sa paggawa ng mga “digital” na proyekto. Nang dahil sa mga pangangailangang  ito, nayari sa kaisipan ng mga tao ang teknolohiya, partikular na ang “social media” at Internet, na nagsilbing mga tulay sa mabungang akademikong buhay ng mga mag-aaral sa larangan ng pangangalap ng mga datos para sa mga pananaliksik, komunikasyon para sa mga pangkatang gawain, at “digital” na paglikha ng mga proyekto.

Dati, mga silid-aklatan ang unang naiisip na puntahan ng mga estudyante upang mangalap ng samu’t saring mga impormasyon. Patong-patong na mga libro ang kailangang pagbubuklatin upang makuha ang mga siping magiging makabuluhan para sa pananaliksik. Ngayon, isang “click” na lamang ang kailangan upang makakuha ng mga mahahalagang salik sa pag-aaral. Isang halimbawa ng websayt na maaaring gamitin sa akademiko ay ang Google Scholar. Ito ay maaaring mag-ugnay sa isang user sa libo-libong mga periodiko at sanaysay ng mga paham. Bukod sa pagiging isang kagamitang pananaliksik, nagiging daluyan din ang “social media”  at Internet ng mga makabuluhang balita ukol sa mga napapanahong isyu na makapagbibigay ng kaalaman sa mga mag-aaral tungkol sa lipunang kanilang ginagalawan. Nang dahil sa mga benepisyong dulot ng Internet sa pagpapayabong ng kaalaman, naniniwala ang walumpu’t walong porsyento ng mga Pilipino na sadyang may maganda itong dulot sa edukasyon ng bagong henerasyon ayon sa mga pananaliksik na isinagawa ng Pew Research Center mula Estados Unidos.
               
Noon, nagsasagawa ng mga pagpupulong ang mga mag-aaral para sa mga pangkatang gawain. Nagsama-sama sila sa paaralan o di kaya naman ay sa isang tahanan ng kanilang kaklase upang magsagawa ng kanilang mga akademikong proyekto. Subalit ngayon, maaari nang mapag-ugnay ng “social media” ang mga estudyanteng pinaglayo ng milya-milyang distansya. Bilang isang birtwal na plataporma ng komunikasyon, mas pinadadali nito ang proseso ng mga pangkatang gawain dahil maaari nang magkaroon ng birtwal na pagpupulong at gawaan ang mga miyembro ng isang pangkat sa mga group  chat sa mga networking sayt tulad ng Facebook at Google Drive. Sa pamamagitan ng mga websayt na ito, nagkakaroon ng mabungang kolaborasyon sa pagitan ng mga miyembro ng isang partikular na grupo. Bukod pa rito, nagiging epektibong midyum din ang “social media” ng mga mahahalagang anunsyo tulad ng pagsususpinde ng klase. Mas mabilis na naipapalagananp ang mga patalastas ng mga paaralan sapagkat napakalawak na ng Internet at “social media” at halos lahat ay mayroon nang kapangyarihang gamitin ito sa modernong panahon. Noong Enero 2015, mayroon nang apatnapu’t apat na milyong Pilipinong malayang nakagagamit ng Internet kung kaya’t ang Pilipinas ay naitala bilang ikalawang bansa sa Timog-Silangang Asya at ika-anim naman sa buong Asya na may pinakamadaming indibidwal na gumagamit ng Internet.  Base sa prediksyon ni Julian Persaud, dating tagapangasiwa ng Google, inaasahan ang pagdoble ng populasyong ito sa taong 2016. Ang lumolobo ring populasyon ng mga Internet users ay isang indikasyon na marami pang magbubukas na mga pinto ng oportunidad sa paglago ng akademiko.

Ilang dekada ang nakalilipas, makikita sa mga silid-aralan ang mga titser na  masigasig na nagbabahagi ng mga aralin sa pamamagitan ng mga biswal na presentasyon gamit ang makukulay na papel at kartolina upang mas ma-engganyong makinig ang mga mag-aaral. Ngayon, tila ba nagkaroon ng isang malawakang rebolusyon ang estratehiya ng pagtuturo sa paaralan. Ang mga kartolina ay napalitan ng “digital” na presentasyon sa Microsoft Powerpoint, at mas naging kombenyente nga ang paggagawa ng mga presentasyon sa mga “software”. Sa paggamit ng mga “software”, mas nakatitipid sa oras at nagiging produktibo ang mga guro at maging ang mga mag-aaral sapagkat hindi na nila kailangan ng matrabahong paghahanda ng mga papel na susulatan ng mga teksto ng ulat. Hindi na rin mangingirot ang kanilang mga kamay dahil sa matiyagang pagsusulat sa naglalakihang mga papel upang mas maging malinaw ang kanilang diskusyon. Dahil sa pagkapalasak ng paggamit ng Internet, napakarami na rin ng mga "software" ang nag-usbungan upang magbigay-kaginhawaan sa mga guro at estudyante. Dagdag pa riyan, kung dati-rati ay nagagawa lamang ng mga mag-aaral ang mga proyektong pang-sining gamit ang lapis, papel, at gunting, ngayon ay mayroon ng Adobe Photoshop  na nagsisilbing isang kasangkapan sa paglilikha at pagrerebisa ng mga matataas na uri ng larawan at iba pang obra. Samakatuwid, mas pinalawak ang posibilidad ng pagkakaroon ng kaaya-aya at kahanga-hangang awtput. Mas malaya na ring naibabahagi ng mga guro sa kani-kanilang mga estudyante ang mga gagamiting handout at mga dokumentong gagamitin sa lektiyur sa pamamagitan ng pag-a-upload­ ng mga ito sa Internet. Maaari na rin itong i-download ng mga mag-aaral sa kanilang mga selpon sa loob lamang ng ilang segundo. Kung susuriin ang mga “digital” na benepisyo ng Internet at “social media” sa akademiko, maaaring mahinuha na nakakatulong ang mga ito sa pagbabawas ng konsumo sa papel. Ayon nga sa WWF Global, kung masinop na magagamit ang teknolohiya tulad nga ng Internet at “social media”, maaaring mabawasan ng sampu hanggang tatlumpung porsyento ang konsumo sa papel, isang suliraning pangkalikasang dulot ng labis-labis napaggamit ng papel ng akademikong mundo. 

Hindi maikakailang napakalaki nang naging gampanin ng Internet at “social media” bilang mga tulay ng mga tao sa sumisikat pa lamang na liwanag ng modernisasyon sa larangan ng akademiko. Hindi natitimo ang pag-usbong ng mga ito lalo na ngayong palobo nang palobo ang bilang ng  mga akademikong gumagamit ng mga ito dahilsa pangangailangan sa pananaliksik, komunikasyon, at paggawa ng mga “digital” na proyekto. Hiling ng buong sangkatauhan na nawa’y mas umunlad pa ang mga ito sa bawat pintig ng mga kamay ng orasan upang mas mapalaganap ang karunungan. Sa ating paglalakbay sa bukang-liwayway, ang Internet at “social media” ang ating magiging tulay.



Mga Sipi

Geronimo, J.Y. (n.d.). Growing Internet use in PH good for education. Nakalap noong Nobyembre 07, 2016, sa http://www.rappler.com/nation/7542-growing-internet-use-ph-good-education
Revesencio, J. (n.d.). Philippines: A Digital Lifestyle Capital in the Making? Naklap noong Nobyembre 07, 2016 sa http://huffintonpost.com/jonha-revesencio/philippines-a-digital-lif_l_b_7199924.html
Using technology and better systems. (n.d.). Nakalap noong Nobyembre 07, 2016, sa http://wwf.panda.org/how_you_can_help/live_green/save_paper_/office_paper/technology


Pambungad na Larawan: Larawan ni Pjheller mula sa ireport.cnn.com

6 comments:

  1. Napakahusay! Tunay ngang napakalaki ng ginagampanan ng social media at internet sa pag-aaral sa modernong panahon

    ReplyDelete
  2. Nailahad ng mahusay ang mga pananaw at opinyon sa paksang tumatalakay sa internet at social media! Magaling!

    ReplyDelete
  3. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  4. Napakaganda ng paraan ng pagkakasulat ng artikulo at halata naman talagang pinag-isipan ng mabuti. Mula sa mga salitang pinili hanggang sa mismong nilalaman ay talagang mapapahanga ka sa taglay na kagalingang ng awtor sa pagsusulat

    ReplyDelete
  5. Nagagalak akong mabasa ang artikulong ito. Hindi lang basta ganire, ganoon ang pagkakalabas ng bawa't salita. Lantad na lantad na talagang may batayan ang pagkakabuga ng lahat ng letra. Kahanga-hanga rin ang angking galing ng awtor sa pagpapatong patong ng mga salitang kanyang ginagamit. Sa pamamagitan nga ng mga ito, naging makabuluhan at epektibong naiparating sa amin ang nais niyang ipahiwatig sa kanyang mambabasa. Mabuhay ka!

    ReplyDelete
  6. Angkop na angkop ang paksang tinalakay dahil lubos na makakarelate ang mga estudyante tulad namin. Sunod,napakahusay ng pagkakatalakay sa kontribusyon ng social media sa pagpapaganda ng kuwalidad ng edukasyon partikular na sa ating bansa.Higit sa lahat, kahanga-hanga ang mga ibinahaging kaisipan ng awtor.

    ReplyDelete